Ang pulikat ay ang kondisyon kung saan kusang naninikip (contract) ang mga kalamnan sa isang bahagi ng katawan at nagdudulot ng matinding pananakit. May iba’t ibang sanhi na maituturo kung bakit ito nararanasan. Mula sa simpleng pagkapagod ng mga kalamnan, hanggang sa kakulangan ng sapat na suplay ng dugo sa bahagi ng kalamnan.
Kung sakaling maranasan ang masakit na pulikat, narito ang ilang solusyon para dito:
1. Pag-uunat (stretching).
Kadalasan, ang simpleng pulikat ay agad na masosolusyonan kung ang bahaging pinupulikat ay iuunat. Halimbawa, para sa pulikat na nararanasan sa binti, kinakailangang umupo sa lapag nang nakaunat ang mga paa at binti, at saka hilahin o itupi ang mga paa na pataas at palapit sa tuhod (tignan ang larawan). Gawin ang pag-uunat hanggang sa mawala ang nararanasang pulikat.
2. Masahe
Minsan, kinakailangan ding masahihin ang bahagi ng kalamnan na pinupulikat. Sa tulong nito, matutulungang ma-relax ang kalamnan at mawala ang paninikip nito.
3. Hot compress
Mabisa din ang pagdadampi ng hot compress o tuwalya na binabad sa mainit na tubig sa bahagi ng kalamnan na nananakit. Kadalasan, ginagawa ito sa pamumulikat ng kalamnan sa tiyan dulot ng pagreregla (menstrual cramps).
4. Pag-inom ng tubig
May ilang pulikat na resulta ng kakulangan ng sapat na tubig sa kalamnan, kaya naman makatutulong din ang pag-inom ng tubig sa oras na maranasan ang pulikat.
5. Pagpapabalik ng electrolytes
Isa pang sanhi ng pamumulikat ng kalamnan ay ang kakulangan din ng electrolytes na dumadaloy sa dugo. Upang maibalik ang kulang na electrolytes, makabubuting uminom ng mga inuming may taglay nito (sports drink, Gatorade, sabaw ng buko) o kaya ay kumain ng pagkaing mayaman sa electrolytes gaya ng saging.