Solusyon sa Sensitibong Ngipin

Ikaw ba’y nakakaranas ng matinding pangingilo sa ngipin sa tuwing umiinom ng malamig na inumin o mainit na sabaw? Maaaring iyan ay senyales na ikaw ay may sensitibong ngipin! Ang sensitibong ngipin o biglaang pangingilo ng mga ngipin ay maaaring resulta ng ilang mga kondisyon gaya ng pagkasira ng ngipin o pagkakaroon ng maliliit na tipak o lamat sa ngipin. Dahil dito, direktang naapektohan ang mga sensitibong nerves sa loob ng ngipin na nagdudulot naman ng pananakit.

Kung ikaw ay nakakaranas ng patuloy na pananakit sa isa o higit pang mga ngipin, makabubuti ang agad na pagpapatingin sa dentista upang matukoy ang sanhi ng pananakit. Kung ito ay dulot ng pagkabulok ng ngipin o mas malala pa, maaaring maibigay ng dentista ang permanenteng solusyon para dito. Ngunit kung ang pananakit ay dulot naman ng simpleng pagnipis o mga gasgas sa ngipin, maaaring irekomenda ng dentista ang mga sumusunod na solusyon.

Image Source: unsplash.com

1. Gumamit ng toothpaste na pang-alis ng sensitibong pakiramdam sa ngipin.

May mga toothpaste na espisipikong tumutulong para alisin ang sensitibong pakiramdam sa ngipin. Tinatawag itong desensitizing toothpaste at maaring mabili ito nang over-the-counter sa mga botika. Ang toothpaste na ito ay may espesyal na sangkap na may kakayanang barahan o tapalan ang maliliit na butas sa ngipin na siyang sanhi ng pananakit.

2. Magmumog ng fluoride

Ang pagmumumog ng fluoride ay isang mabisang paraan din para pagtibayin at mabawasan ang pananakit ng ngipin, lalo na sa mga may sira na sa ngipin. Kadalasan, kinakailangan ang reseta ng dentista upang mabili ito sa botika.

3. Panatilihing malinis ang ngipin.

Upang hindi na madagdagan pa ang pagkasira at pananakit ng ngipin, tiyaking malilinis nang husto ang ngipin at maalis ang mga nakasiksik na tinga at pagkain dito. Laging mag sepilyo at gumamit din ng dental floss pagkatapos kumain.

4. Gumamit ng malambot na sepilyo

Upang maiwasan naman na masaktan pa ang ngipin kahit sa pagsesepilyo, piliin ang sepilyo na may malamabot na buhok.

5. Umiwas muna sa mga pagkain at inumin na sobrang lamig o sobrang init

Iwasan din muna ang mga pagkain at inumin na nakakakontribyut sa pananakit na nararanasan. Sa halip na uminom ng inumin na may yelo, o kape na umuusok pa sa init, mas piliin na lang muna ang tubig na hindi malamig at hindi mainit.