Naaapektuhan ba ang batang ipinagbubuntis kung mayroong STD ang buntis?
A: May mga uri ng STD gaya ng syphilis na pwedeng maipasa ng isang buntis sa sanggol na nasa loob ng matris. Ang iba namang STD gaya ng gonorrhea o chlamydia (tulo), hepatitis B, at herpes ay pwedeng mapasa sa sanggol sa panganganak (habang dumadaan ang bata sa pwerta). Ang HIV/AIDS ay pwedeng mapasa sa sanggol sa pagbubuntis, panganganak, at maging sa pagpapasuso. Depende sa STD, ang mga ito ay maaaring magdulot ng kamatayan ng bata sa loob ng matris (i.e. stillbirth), masyadong mababang timbang; maaari ring ipanganak ang bata na may kapansanan o sakit. Ang mga ito ay posibilidad lamang; pwede rin namang hindi mahawa at hindi magkaron ng masamang epekto. Subalit mahalagang matukoy kung anong partikular na STD ang meron ka, maipatingin ito sa doktor, at maagapan.
Anong epekto ng STD sa isang babaeng buntis?
Anumang mga epekto ng STD sa isang hindi buntis ay siya ring mararanasan ng isang buntis, gaya ng impeksyon sa pwerta, kwelyo ng matris, pagkabaog, sakit sa atay, at iba pa. Bukod dito, maaaring mapaaga ay kanyang pangangak, o mapabilis ay pagputok ng tubig sa loob. Maaari ring maapektuhan ang baby sa loob na matris (tingnan ang naunang katanungan)
Anong pwedeng gawin ng buntis na may STD?
Magpatingin sa doktor. Magpasagawa ng laboratory tests upang matukoy yung ano bang partikular na STD ay meron (kung meron man), at sundin ang payo’t gamutan. Maraming mga STD gaya ng syphilis, gonorrhea, chlamydia, at iba pa, ang pwedeng pwedeng gamutin habang buntis gamit ang mga antibiotics na ligtas din para sa baby. Babala: Wag na wag magtatangkang gamutin ang sarili gamit ng Amoxicillin sapagkat dapat ang uri ng antibiotics ay spesipiko o tukoy na tukoy para sa partikular na STD na meron ka. Iwasan din ang mga herbal o alternatibong gamot sapagkat hindi natin sigurado kung ang mga sangkap ng mga ito ay talagang epektibo at ligtas para sa baby.
Paano makakaiwas sa STD ay isang buntis?
Image Source: www.freepik.com
Ang pag-iwas sa pakikipagsex sa iba’t ibang lalaki, at pagiging matapat sa iisang partner lamang ay ang pinakasiguradong paraan upang makaiwas sa mga STD. Syempre, dapat siguraduhin mo rin na ang partner mo ay walang STD at hindi ‘malikot sa mga babae’ sapagkat kahit wala syang sintomas ng STD ay pwede ka nyang mahawahan. Ang paggamit ng condom ay isang paraan upang makaiwas sa impeksyon bagamat hindi ito 100%.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang pahinang “Mga karaniwang tanong tungkol sa pagbubuntis” at marami pang artikulo tungkol sa pagbubuntis sa Mediko.PH