Marahil isa sa mga nakakapagpaalala nang husto sa mga magulang ay ang pagkakaroon ng lagnat ng kanilang mga anak. Ang makita ang anak na nahihirapan at nanghihina dahil sa lagnat ay masakit para sa nagmamahal na magulang. Ngunit bago mag-panic at isugod sa ospital ang anak dahil sa simpleng lagnat, dapat alalahanin na ang sakit na ito ay pangkaraniwan lamang at madali namang malunasan.
Bakit nagkakaroon ng lagnat?
Ang lagnat ay isang paraan ng katawan upang depensahan ang sarili mula sa impeksyon ng mga mikrobyo. Ang pagtaas ng temperatura ng katawan ay normal lamang na nagaganap upang mapatay ang mga bacteria at iba pang mga hindi kanaisnais na mikrobyo na nakapasok sa katawan. Walang dapat ikabahala ng husto sapagkat ito ay normal na proseso lamang na kadalasang nawawala din naman nang kusa pagkalipas ng 72 oras. Basahin kung paano makakaiwas sa iba’t ibang uri ng impeksyon na siyang sanhi ng pagkakaroon ng lagnat: Pag-iwas sa impeksyon.
Ano ang mga sintomas ng lagnat?
Ang pagkakaroon ng lagnat ay kadalasang nagdudulot ng ilang mga sintomas gaya ng sumusunod:
- Temperatura na mas mataas kesa sa normal. Ang normal na temperatura ay 37°C.
- Mabigat na pakiramdam
- Pagkahilo
- Pagsusuka
- Pagkawala ng gana sa pagkain
Kailan dapat lumapit sa doktor upang magpatingin?
Bagaman ang lagnat ay pangkaraniwan lamang at kadalasang gumagaling naman nang kusa, may mga pagkakataon na maaaring kailanganin nang lumapit sa doktor upang ipatingin ang kondisyon.
- Pabalik-balik na lagnat
- Sobrang taas na temperatura, na humihigit sa 40°C.
- Pagkakaranas ng pagkokombulsyon.
- Pagkakaranas ng iba pang sintomas gaya ng pagtatae, pagdurugo, matinding pananakit ng ulo at mga kasukasuan.
Ano ang dapat gawin kung may lagnat ang bata?
Ang mga sumusunod na hakbang ay makatutulog upang mapangalagaan at mabilis na mapababa ang lagnat:
1. Pagpapainom ng paracetamol. Regular na painumin ng paracetamol ang bata hanggat mataas pa rin ang lagnat. Ang gamot na ito ay makatutulong upang mapababa ang mataas na temperatura. Siguraduhin ding tama ang paraan ng pag-inom ng gamot. Basahin ang mga kaalaman tungkol sa gamot na paracetamol: Gamot: Paracetamol.
2. Paglalagay ng basang tuwalya (cold compress) sa noo. Makatutulong din ang paglalagay ng basang tuwalya sa noo ng batang may lagnat sa pamamagitan ng pagpapababa ng mataas na temperatura.
3. Painumin ng maraming tubig ang bata. Iwasang ma-dehydrate ang bata sa pamamagtian ng pagpapainom ng maraming tubig dito. Basahin ang kahalagahan pag-inom ng tubig: Kahalagahan ng pag-inom ng tubig.
4. Punasan ang buong katawan ng bata (spong bath). Upang mapanatiling malisin pa rin ang pangangatawan ng bata at mapreskohan ang katawan, mainam na punasan ang buong katawan ng bata gamit ang tuwalya na binasa ang maligamgam na tubig.
5. Panatilihing presko ang suot na damit ng bata. Huwag pasusuotin ng makapal na damit o babalutin ng makapal na kumot ang bata kahit pa may panginginig itong nararanasan. Mas mainam pa rin na ang suot ng bata ay manipis lang, presko at komportable.
Ano ang mga hindi dapat gawin kung may lagnat ang bata?
1. Iwasang painumin ng gamot na aspirin ang bata. Ang aspirin ay maaaring may hindi mabuting epekto sa kalusugan ng bata kung ipaiinom upang mapababa ang lagnat. Ang paracetamol ang mas mainam na gamot para sa mga bata.
2. Huwag paiinumin ng iba’t ibang gamot para sa ibang karamdaman. Hanggat hindi pinapayo ng doktor, huwag basta-basta magbibigay ng gamot na para sa trangkaso, sipon, o ubo.
3. Iwasan pagpapaligo ng malamig na tubig o pagpupunas ng alcohol. Maaari lamang lumala ang kondisyon ng lagnat ng bata kung gagawin ang mga nabanggit.
4. Huwag magpapalit-palit ng pinaiinom na gamot. Hanggat hindi rin pinapayo ng doktor ang pagpapalit ng iniinom na gamot, iwasang palitan ang rekomendadong iniinom na gamot.
5. Iwasang balutin ng makapal na kumot ang bata. Mas mahalaga na mapanatiling komportable ang pakiramdam ng bata.