“Tatangkad pa ba ako?” Ito ang tanong ng maraming mga binatilyo’t nagbibinata. Maaaring ang iyong mga kaklase’t katropa ay pawang nagsitangkaran na, at pakiramdam mo ikaw ay napag-iwanan na. Ang artikulong ito ay para maintindihan mo ang proseso at konsepto ng pagtangkad sa mga kalalakihan.
Ano ang average height ng mga Pilipino?
Image Source: www.freepik.com
What is the average height of Filipinos? Ayon sa 6th National Nutrition Survey na isinagawa noong 2003, ang karaniwang height o tangkad ng isang lalaking Pilipino ay 5’4 1/2 ft o 1.61 meters. Ang mga kababaihan naman ay may karaniwang height na 4’11 1/2 ft. Tandaan na ang mga datos na ito ay hango sa buong Pilipinas at maaaring sa ibang rehiyon ay mas matangkad ang karaniwang height kaysa dito.
Hanggang kelan tatangkad ang mga lalaki?
Image Source: www.freepik.com
Ang “growth spurt” ay karaniwang dumarating sa edad 12-16, at ang pagtangkad ay patuloy hanggang edad 18. May konting pagtangkad parin (1-2 pulgada) na maaaring maganap hanggang edad 21-23. Sa mga edad na ito ay nagsasara na ang “growth plate” sa mga buto kaya hindi na maaaring tumangkad pa ng higit sa edad na ito.·
Paano ko malalaman kung gaanong katangkad ako magiging?
Image Source: www.freepik.com
Maaari mong ikompara ang iyong mga kamag-anak na lalaki at malaki ang posibilidad na kung anong karaniwang tangkad nila ay siya ring maging height mo kapag tumigil ka na sa pagtangkad (sa edad 21-22). Huwag kalimutang tingnan rin ang mga lalaking kamag-anak ng iyong nanay.
Bagamat may mga pormula at “calculator” na di umanoy kayang hulaan kung anong magiging tangkad mo, batay sa height ng iyong mga magulang, ang mga ito ay walang kasiguruhan at hindi na dapat pag-aksayahan ng panahon sapagkat hindi naman nila masasabi ang iyong magiging tangkad nang may katiyakan.·
May mabisa bang pampatangkad na gamot?
Image Source: unsplash.com
Sa kasalukuyan, walang matibay na ebidensya na ang mga gamot o “growth supplements” gaya ng Chlorella Growth Factor ay nakakapagpatatangkad.·
Sa ibang mga bata na hindi tumatangkad mula pagkabata, maaaring may kakulangan sa Growth Hormone (GH) at baka kailanganin ng Growth Hormone supplementation. Ngunit ang GH supplementation ay angkop lamang sa konting-konti na mga bata at hindi ito ginagamit sa ordinaryong mga kaso o sitwasyon.·
Ano ang mga hakbang o paraan para tumangkad?
Image Source: www.southernliving.com
- Una, kumain ng sapat at wastong pagkain. Panatilihing malusog at masigla ang mga bata.
- Pangalwa, tumulog ng sapat kada araw. Ang Growth Hormone na ginagawa ng katawan ay ginagawa habang natutulog, at kung kulang sa tulog, maaaring hindi maaabot ang potensyal na tangkad.
- Iwasan ang mga “stressors” gaya ng malnutrisyon at pagkakasakit. Magpabakuna at magpakonsulta kaagad kung napapansin na mabagal ang paglaki o pagtangkad ng bata.·
- Tumayo ng deretso “straight body” para maganda ang tindig: mas nagmumukhang matangkad ang isang binata kapag maganda ang tindig niya.·
Sa kabila ng mga paraan na ito, tandaan na ang height o tangkad ay nakadepende rin sa mga “genes” o nasa lahi rin. Isipin mo mang “tadhana” ito, ngunit huwag pagtuunang pansin ang iyong tangkad. Ano man ang maging height mo, tandaan na ang·tunay na sukat ng iyong maaabot sa buhay ay hindi ang tangkad mo, kundi ang iyong kasipagan, kaparaanan, at kabutihan.·