Ngayong pagdating ng Santo Papa sa bansa, ilang pagtitipon ang inaasahan sa Kamaynilaan. Kabilang dito ang misa sa Quirino Grandstand at ang motorcade patungong MOA Arena. Inaasahang milyun-milyong deboto ang dagdagsa upang masilayan ng personal si Pope Francis at makatanggap ng pagpapala. Dahil sa mga ito, kinakailangang maging handa at alisto sa lahat ng posibleng mangyari na kaakibat ng pagkakaroon ng ganitong malakihang pagtitipon. Hatid ng Kalusugan.Ph ang ilang tips na pangkalusugan na dapat ninyong tandaan kung nais makiisa sa pagdiriwang ang pagbisita ng Santo Papa
1. Magdala ng sapat pagkain at inumin
Dahil nga inaasahanan ang pagdagsa ng maraming tao sa lahat ng pagdarausan ng mga kaganapan sa pagdating ng santo papa, maaaring mahirapang makapunta sa mga lugar na mabibilihan ng pagkain at inumin. Kung kaya, pinapayuhan ang lahat na magdala ng sapat na pagkain upang maiwasan ang pagkagutom at pagkauhaw. Mainam ang mga biskuwit, energy bar, mga kendi at iba pang pagkain na madaling makain. Tandaan lamang na huwag ikakalat ang mga pinag-balatan ng pagkain.
2. Magdala ng pamaypay upang hindi mainitan
Tiyak na magiging mainit ang kapaligiran dahil sa pagkukumpol-kumpol ng mga tao, at siyempre dahil sa init ng araw. Upang hindi mainitan ng husto, gumamit ng pamaypay. Tandaan na maaaring humantong sa heat stroke kung maiinitan ng husto ang katawan. Siguraduhin din na makakainom ng sapat na tubig upang hindi madehydrate. Magsapin din ng likod upang hindi matuyuan ng pawis.
3. Protektahan ang sarili mula sa araw
Dahil gaganapin ang mga pagtitipon sa bukas na lugar, hindi maiiwasan na mabilad sa araw. Magdala ng proteksyon laban sa UV rays ng araw upang hindi masunod ang balat o sun burn. Gumamit lamang ng sombrero at balabal, o kaya ay sun screen lotion bilang pananggalang sa init ng araw. Ipinababatid ng awtoridad na bawal ang pagdadala ng payong sa mga lugar na pagdarausan ng mga pagtitipon.
4. Maging handa sa posibleng stampede
Huwag makikipag-tulakan, huwag tatakbo at sumunod lamang sa galaw ng tao upang maiwasan ang stampede. Kung masyadong nagkakagitgitan ang tipon ng mga tao, makabubuting umiwas sa dito. Kung sakaling maganap nga ang stampede, tumiklop na parang sanggol upang maprotektahan ang mga mahahalagang parte ng katawan.
5. Alamin ang mga malalapit na pagamutan
Bago pa man pumunta sa pagdarausan ng mga patitipon, alamin na kaagad ang mga lugar o istasyon ng pagamutan sa paligid. Ayon sa mga awtoridad, mayroong ikakalat na mga pansamantalang klinika sa paligid ng gaganaping misa sa Quirino Grandstand. Makabubuti rin kung magdadala ng sariling gamot at first aid kit upang malunasan ang sarili at mga taong nakapaligid.
6. Iwasang magsama ng bata, buntis at matatanda
Hanggat maaari, huwag nang magsama ng bata, mga matatanda at buntis, upang maagapang maipit ang mga ito sa pagsisiksikan ng mga tao. Mas delikado kung sila ay mahagip ng posibleng stampede. Bukod pa rito, iniiwasan din ang posibilidad na mawala ang mga bata sa paningin ng magulang.
7. Maging handa sa paggamit ng palikuran
Maaaring mahihirapang makarating sa mga palikuran dahil sa damit ng tao na dadalo sa mga pagtitipon. Kung hindi pa nagsisimula ang mga kaganapan, makabubuting ilabas na ang lahat ng iiihi at idudumi.
8. Huwag nang lumabas ng bahay kung may nararamdaman
Kung may nararamdaman nang sakit gaya ng lagnat, sipon o trangkaso, mas makabubuti na manatili na lamang sa tahanan upang hindi lumubha ang nararamdaman at hindi rin makahawa ng sakit sa iba.