Ang pambubully ay may masamang epekto sa pisikal at sikolohikal na aspekto ng buhay ng mga nabibiktima nito. Kung hindi maiiwasan, maaari itong humantong sa mga mas seryosong epekto gaya ng matinding depresyon o kaya pagpapatiwakal. Upang makaiwas sa epektong ito, maaaring sundin ang mga tips na payo ng mga eksperto:
1. Huwag pansinin ang bully at iwan ito
Ang pinakamainam na hakbang para makaiwas sa mga bully ay ang hindi pagpansin sa kanilang ginagawa. Dedmahin na lamang at iwan sila sa tuwing gumawa sila ng aksyon ng pambubully. Mas lalo lamang kasing lumalakas ang loob ng mga bully sa tuwing sila ay pinagtutuunan ng atensyon. Sa ganitong paraan, maaring kusang lumipas na lamang ang pambubully.
2. Pigilin ang galit
Kung hindi magawang iwan o hindi pansinin ang pambubully, habaan na lamang ang pasensya at pigilin ang galit na nararamdaman. Kontrolin ang nararamdaman at gumawa ng ibang paraaan para malipat ang atensyon sa iba. Maaaring depensahan ang sarili sa pamamagitan ng pagtawa na lamang.
3. Umiwas sa pisikalan
Huwag na huwag gagamitan ng pisikal na pakikipaglaban ang mga nambubully. Maaring mas masaktan lamang kung gaganti sa paraang pisikal gaya ng pakikipagsuntukan, sampalan, pagsasabunutan o tadiyakan. Ang paghihiganti sa bayolenteng paraan ay magreresulta ng hindi maganda.
4. Palakasin ang kumpyansa sa sarili
Upang hindi maging mainit sa mata ng mga bully, bakit hindi subukang palakasin ang kumpyansa sa sarili. Silang mahihina ang loob, tahimik, mahiyain, at mababa ang tingin sa sarili ang kadalasang nabibiktima ng pambubully.
5. Huwag hayaan makialam ang iba sa sariling buhay
Ikaw lamang at wala nang ibang maaring makialam sa sarili mong buhay. Walang sinumang makapagdidikta sa kung ano ang dapat mong gawin at desisyon na isasakatuparan. Ang tanging maibibigay lamang ng iba ay payo, ngunit sa huli, ikaw pa rin ang magdedesisyon para sa sarili.
6. Kausapin ang ibang taong may awtoridad
Kung biktima ng pambubully, mabuting lumapit sa ibang nakatatanda at mapagkakatiwalaang indibidwal na may awtoridad. Maaaring sumangguni sa guro, magulang, guidance councilor, o coach.
7. Hanapin ang tunay na kaibigan
Mahalaga na mayroong kaibigang mapagkakatiwalaan at masasabihan ng problema at maaaring lapitan at makatulong sa pagkakataong kinakailangan ng karamay. Kung nasaktan ang damdamin dahil sa pambubully, mahalaga na mayroong karamay na kaibigan.