Tips para mapababa ang masamang cholestrol sa katawan

Ang pagtaas sa lebel ng low-density lipoprotein (LDL) o masamang cholesterol sa dugo ay isang delikadong kondisyon na maaaring maglapit sa atin sa mga nakamamatay na sakit tulad ng stroke at atake sa puso. Ang masamang cholesterol kasi ay maaaring dumikit sa mga pader ng ugat ng dugo at maipon at magdulot ng pagbabara sa kalaunan. Ang panganib na ito ay mataas sa mga taong mayroong  higit 160 na lebel ng LDL sa dugo.

Upang maiwasan ang mga panganib na dulot ng masamang cholesterol sa ating kalusugan, mahalaga na isabuhay ang mga simpleng paraan ng pagpapababa at pag-iwas dito. Narito ang ilang tips na maaari niyong sundin.

Image Source: unsplash.com

1. Umiwas sa mga pagkain na mataba at mayaman sa LDL

Ito ay simple at pangunahing hakbang sa pagpapababa ng LDL o masamang cholesterol sa katawan. Kung nais pababain ang lebel ng LDL sa dugo, bakit pa kakain ng mga pagkain na mayaman dito? Ang mga matatabanag karne, pula ng itlog, mga pagkaing fast food, at ilang mga produktong gatas ay ilan lamang sa mga pagkain na kilalang mayaman sa LDL. Basahin ang ilang sa mga pagkain na mayaman sa LDL o masamang cholesterol: Mga pagkain na mayaman sa LDL.

2. Piliin ang mga pagkain na nakakapagpababa LDL

Kabilang ang mga pagkaing mayaman sa fiber, omega-3 oil, at mga mani sa listahan ng mga pagkaing nakakapagpababa ng ng masamang cholesterol sa katawan. Maraming mga prutas at gulay, pati na mga oats at mga beans ang mayaman sa mahalagang fiber. Ang mga isda naman ang pangunahing pinagkukunan ng omega-3 fats, at ang mga mani ay karaniwan na nating nakikita sa mga pamilihan. Ang mga pagkaing ito ay nakatutulong din sa pagpapataas naman ng lebel ng HDL o high-density lipoprotein na maskilala bilang mabuting cholesterol. Ang mga HDL ay may malaki ring papel sa pagpapababa ng LDL sa katawan kung kaya’t makatutulong ng husto sa kalusugan ng pagpapataas nito. Basahin ang mga pagkain na nakatutulong makapagpababa ng LDL: Mga pagkain na nakakababa ng LDL.

3. Regular na mag-ehersisyo

Siyempre pa, ang pagpapababa ng LDL sa katawan ay mas magiging makabuluhan at mabisa kung sasabayan ito ng tama at regular na pag-eehersisyo. Ang simpleng pag-takbo (jogging) sa loob ng isang oras sa bawat araw ay may malaking tulong sa kalusugan. Basahin ang mabuting hatid ng regular na pag-eehersisyo sa kalusugan: Kahalagahan ng pag-eehersisyo.

4. Uminom ng mga gamot na pampababa ng LDL cholesterol

Maaari ding ikonsidera ang pag-inom ng mga gamot na nakakapagpababa ng cholesterol na rekomendado ng mga doktor. Kabilang dito ang mga gamot na statin, niacin, fibrate, zetia, at bile acid sequestrant. Alalahanin lamang na maaaring kailanganin ang reseta ng doktor para dito.

5. Huwag manigarilyo

Ang paninigarilyo ay pagsasabutahe sa sariling kalusugan. Pinapababa nito ang lebel ng mahalagang HDL sa katawan na makapagpapataas naman ng husto sa panganib ng pagkakaroon ng malalalang karamdaman sa puso at sa dugo. Basahin ang masasamang epekto sa kalusugan ng paninigarilyo: 10 Dahilan para itigil ang paninigarilyo.