Tips para masolusyonan ang marupok na buhok (dry hair)

Ang marupok, tikwas-tikwas, at panay sabit na buhok ay isang pangkaraniwang kondisyon na kadalasang resulta ng kakulangan sa pangangalaga sa buhok o sobrang paggamit ng mga pampaganda sa buhok gaya ng matatapang na kemikal at gamot, at maging plantsa sa buhok. Idagdag pa rito ang malupit na kondisyon sa kapaligiran mula sa mga usok sa kalsada at sobrang init ng araw.

Upang matulungang manumbalik sa normal ang buhok, maaaring kailangang baguhin ang mga nakagawiang maling pagtrato sa buhok. Narito ang ilang tips na makatutulong sa muling pagsasaayos ng buhok.

1. Bawasan ang paggamit ng shampoo.

Isa sa mga tinuturong dahilan ng panunuyo ng buhok ay ang madalas na paggamit ng shampoo sa tuwing maliligo. Kasabay kasi ng paggamit ng shampoo, nahuhugasan din ang mga natural na langis ng buhok na nagbibigay ng proteksyon sa buhok. Payo ng mga dermatologist at cosmetologis, gawin lamang ang pagsha-shampoo ng buhok kada 2 araw.

2. Gumamit ng conditioner sa buhok.

Pagkatapos ng paggamit ng shampoo, gumamit naman ng conditioner nang matulungang maisaayos muli ang nasirang buhok. Tiyakin lamang na ang conditioner na gagamitin ay wala o kakaunti lamang ang sangkap na alcohol. Laging tatandaan na nakakapanuyo ng buhok ang alcohol.

3. Magpa-hot oil treatment.

Kung kaya din lang naman ng bulsa, huwag mag-aatubiling ipa-hot oil ang buhok. Ang ganitong treatment sa buhok ay rekomendado ng mga dermatologist at tiyak na makatutulong sa dumaranas ng marupok at nanunuyong buhok.

4. Pahiran ng mayonaise ang buhok.

Kung namamahalan sa hot oil treatment para sa buhok, ikonsidera ang paggamit ng mas murang alternatibo pampahid sa buhok. Ang mayonaise na madali lang mabibili sa mga pamilihan ay mabisang pampasigla ng buhok. Dapat lamag lagyan ng mayonaise ang buhok pagkatapos maligo at saka balutin ng plastic ang buhok. Ibabad nang 30 minuto bago banlawan.

5. Lagyan ng langis ng niyog ang buhok.

Isa pang alternatibo para sa hot oil treatment ay ang paglalagay ng langis ng niyog sa buhok. Gaya ng mayonaise, kaya rin nitong matulungang ang mabilis na panunumbalik ng sigla ng nanuyong buhok. Ilagay lamang ang langis mula sa anit papunta sa dulo ng mga buhok. Ibabad din sa loob ng 30 minuto bago banlawan.

6. Masahihin ang anit.

Mahalagang hakbang ang pagmamasahe ng anit upang matulungan din ang pagsigla ng buhok. Tinutulungan kasi ng pagmamasahe sa anit na palabasin ang mga natural na langis ng buhok na siyang nagbibigay buhay dito.

7. Itigil ang paggamit ng plantsa sa buhok.

Isa naman sa mga pangunahing dahilan ng panunuyo ng buhok ay ang madalas na paggamit ng plantsa at iba pang mainit na bagay gaya ng blower, at pangkulot sa buhok. Kaya naman, kung nanaising maisaayos muli ang buhok, kinakailangang itigil muna ang paggamit sa mga kagamitang ito.

8. Lagyan ng Aloe vera ang buhok.

Ang halamang aloe vera ay may taglay na mga bitamina at sustansya na kinakailangan ng balat at buhok upang sumigla. Kaya naman marapat lamang na gamitin ang natural na gamot na mga ito upang matulungang maisaayos muli ang nasirang buhok. Ang mala-jelly na laman ng dahon ay dapat ipahid mula sa anit patungo sa dulo ng mga buhok at ibabad nang 20-30 minuto bago banlawan.