Ang pagkabali ng buto o fracture ay isang karaniwang kondisyon na maaaring maranasan ng sinuman. Maaaring itong makuha mula sa iba’t ibang aksidente, sa kalsada man, sa bahay, o kaya sa paglalaro lamang sa labas. Ang taong nabalian ng buto ay mahihirapang makakilos, at makakaramdam ng matinding pananakit sa apektadong bahagi ng katawan.
Sa kabila ng hirap na dulot ng kondisyong ito, ang pagkabali ng buto ay maaari pa rin namang gumaling sa tulong ng ilang pamamaraang medikal gaya ng paglalagay ng mga suporta sa bahaging nabalian. At para nga mapabilis ang paggaling ng nabaling buto, narito ang ilang mga hakbang na dapat sundin.
1. Tamang pahinga
Kakailanganin ang tama at sapat na pahinga para mabilis na gumaling ang nabaling buto. Maaaring kailanganing itaas nang bahagya ang bahaging napilayan upang maiwasan ang pamamaga at patuloy na pananakit. Ngunit dapat alalahanin na hindi makabubuti ang puro pagpapahinga lang. Ang maya’t mayang pagkilos ay mahalaga din para mahimok ang pagdaloy ng dugo sa apektadong bahagi ng katawan na magpapabilis lalo sa paggaling.
2. Paggamit ng tungkod
Kakailanganin pa rin ang paggamit ng tungkod bilang suporta sa gumagaling na pilay at para maiwasan ang paglala ng kondisyon sa mga unang araw ng pagpapagaling.
3. Pangangalaga sa suportang semento o cast
Karaniwan binabalot ng matigas na benda o cast (tinatawag din na semento) ang bahaging napilay upang maiwasan ang paggalaw nito at mapabilis ang paggaling. At upang manatiling epektibo ang suportang ito, kinakailangang ito ay mapangalagaaan din. Mahalaga na maiwasang mabasa ang semento upang hindi ito lumambot. Iwasan din na madumihan at maging sanhi ng iritasyon o impeksyon sa balat.
4. Tamang ehersisyo sa apektadong bahagi
Matapos ang isang linggong papapahinga, mahalaga na mabigyan ng tamang ehersisyo ang bahaging nabalian. Ito ay mahalaga para sa pagpapatibay ng gumagaling na mga buto at pagsisipsip ng mahahalang sustansya na kailangan ng mga buto.
5. Tamang nutrisyon
Kakailanganin ang maraming sustansya at mineral sa pagbuo ng bagong buto sa gumagaling na pilay. Malaki ang papel ng mga mineral na calcium, magnesium at phosphorus sa pagpapatibay ng bagong buto. Uminom ng maraming gatas o kaya’y mga supplements.
6. Pag-iwas sa mga bisyong makakapagpabagal ng paggaling
Ang paninigarilyo, pag-inom ng alak, o paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay pareparehong makakapagpabagal ng paggaling ng nabaling buto. Iwasan ang mga ito kung nain ang agarang paggaling.
7. Magpa-PT (Physical Therapy)
Malaki rin ang papel ng pagpapa-PT para sa mas mabilis na rehabilitasyon sa nabaling buto. Maaaring mabigyan ng ilang mga eherisyo na tutulong sa masmaayos na daloy ng dugo sa bahaging nabalian at pagpapatibay pa lalo ng gumagaling na buto.