Totoo bang ang an-an ay dulot ng alikabok mula sa chalk?

Bago pa man nauso ang mga whiteboard at marker pen bilang panturo sa mga paaralan, dati nang ginagamit ang mga blackboard at chalk. Ang chalk ay ang gamit panulat na yari sa calcium carbonate. Ayon sa popular na paniniwala, maaari daw makuha ang an-an kung sakaling madikit ang balat sa puting alikabok na nakukuha sa chalk. Ngunit ang paniniwalang ito ba ay may katotohanan?

 width=

Ang an-an na isang uri ng sakit sa balat kung saan nagkakaroon ng maputing patse-patse sa balat sa ilang bahagi ng katawan gaya ng mukha, dibdib, likod, leeg at braso. Ito ay dulot ng impeksyon ng fungi na Malassezia furfur. Nagaganap lamang ang impeksyon ng fungi kung sakaling tumubo ito na walang kontrol marahil dahil sa sobrang paglalangis ng balat, sobrang pagpapawis, mahinang resistensya ng katawan, pati na ang mainit na klima. Ang paniniwalang dulot daw ng alikabok ng chalk ang pagkakaroon ng an-an ay pawang walang katotohanan. Maliban sa kahalintulad na kulay kapag nadikit sa balat, walang kahit na anong koneksyon ang alikabok mula sa chalk sa pagkakaroon ng an-an.

Ang dapat lamang na ikabahala mula sa alikabok ng chalk ay ang posibilidad na makakuha ng karamdaman sa baga at daluyan ng pag-hinga kung sakaling malanghap ito.