Tuli ka na ba o Supot pa? Mga Kaaalaman Tungkol sa Pagtutuli o Circumcision

Ang pagtutuli o circumcision ay ang pagtanggal ng balat sa dulo ng ari ng isang lalaki. Dahil ito’y bahagi ng tradisyon sa Pilipinas, halos lahat ng kalalakihan ay nagpapatuli, karamihan habang bata pa, mula edad 9-12. Dahil walang pasok sa iskwela, karaniwang ginagawa ang pagtutulin habang tag-araw o summer vacation. May iba naman na pinapatuli na kaagad ang kanilang mga anak pagkapanganak pa lamang – ito’y tinatawag na newborn circumcision. Sa ibang kultura, ang pagtutuli ay ginagawa habang ay lalaki ay sanggol pa lamang.

Sa Pilipinas, ang tradisyonal ng paraan ng pagtutuli ay tinatawag na “de pukpok” kung saan ang balat ay hinihila lagpas sa ulo tapos ay hinihiwa ng malinis na itak. Dahil kinakailangang hilahin ang balat, dapat “tagpos” muna ang isang batang lalaki bago tulian. Ito ang tradisyonal na kasagutan sa tanong na “Ano ang tamang edad para magpatuli?” – dapat tagpos na. Ang ibig-sabihin ng “tagpos” ay hindi na nakadikit ang balat sa ulo ng titi o ari ng lalaki. Ang pagka-“tagpos” ay karaniwang nangyayari mula 9-12 na taon kaya ito rin . May kasabihan na “makunat” na ang balat paglagpas ng edad na ito. Dahil karamihan sa mga lalaki at tinutulian sa edad 9-12, may kasabihan nag pagtuli ng ang isang lalaki, saka siya maguumpisang tumangkad. Ito’y hindi totoo at nagkataon lamang na sadyang tumatangkad ang mga lalaki pagkatapos ng ganitong edad.

Sa modernong paraan naman, ang pagtutuli ay itinuturing na isang surgical procedure: tinuturukan muna ng anesthesia o pampamanhid ang ugat ng ari ng lalaki, at kapag manhid na, gugupitin ang balat at ito’y ititiklop at tatahiin para nakalabas ang ulo. May mga iba’t ibang uri ng pagtutuli gaya ng “German cut” kung saan tinatanggal lahat ng balat sa palibot ng ulo at ang regular na “Dorsal cut” kung saan ginugupit ang balat sa likod ng ari, tinitiklop ng bahagya, tapos ay tinatahi.

Image Source: www.thesun.co.uk

Pagkatapos ng pagtutuli, ang paggaling ng sugat ay mula 4-7 na araw. Sa panahong ito ng paggaling, may mga tradisyon gaya ng pagsuot ng palda o malaking shorts ng lalaki upang hindi matamaan o mairita ang sugat at paggamit ng nilagang para “pang-langas”. Ang gawaing ito ay may basihan ayon sa modernong Medisina sapagkat ang bayabas, gaya ng Betadine, ay may kakayanang magsupil ng mga mikrobio. Sa panahon ring ito maaaring mamaga ang ari, lalo na ang balat na tinahi – ang tawag dito ang “nangangamatis” dahil parang balat ng kamatis ang itsura ng ari. Ang pangangamatis ay maaring mangyari sa tradisyonal o modernong paraan ng pagtutuli.

Kung modernong paraan ang ginawa, ang mga tahi may maaaring tanggalin makaraan ang isang linggo.

Pagiging tradisyon at bahagi ng kultura ay pinakamabigat na dahilan kung bakit ginagawa ang pagtutuli. Ito’y bahagi ng paglaki (at pagkalalaki) para sa mga batang lalaki – at isang pagsubok ng katapangan (bagamat ngayon, hindi na masakit ang ‘tuli’ dahil sa anesthesia at ihinahalintulad na lamang ang pagtutuli sa “kagat ng langgam”). Bihira na ngayon ang gumagawa ng “de pukpok” na paraan ng pagtutuli ngunit ang ibang mga tradisyon at paniniwala na nabanggit sa itaas ng mga talata ay buhay na buhay parin. Idagdag pa natin dito na kapag ang isang lalaki ay hindi pa tuli, siya ay maaaring tuksuhin bilang “supot” – at ang salitang ito ay ginagamit ring katumbas na salita ng pagkaduwag o kawalan ng pagkalalaki.

May mga pangkalusugang at iba pang dahilan rin na pabor sa pagtutuli. Ayon sa ilang pag-aarral, mas maliit ang probabilidad na mahawa o makahawa ng HIV/AIDS at iba pang mga STD ang mga tuli. Mas nakakabubuti rin daw sa kalinisan ng ari ng lalaki ang pagtutuli. Kasabihan rin na mas masarap ang sensasyon sa pakikipagtalik ng mga lalaking tuli, ngunit ang iba sa mga pananaw na ito ay kontrobersyal.

Ang pagtutuli ay isang ritwal na pinagdadaanan ng karamihan sa lalaking Pilipino. Ngunit sa pananaw na medikal ay hindi naman ito isang bagay na kailangang kailangan. Ang pagtutuli ay isang halimbawa kung saan ang kultura ay nagdidigta sa anyo ng ating katawan. Kung ikaw ay isang lalaki, nasa iyo ang pasya kung ito’y gagawin mo ito ngunit huwag magulat sa tanong: “Tuli ka na ba o supot pa?”