Ang urinalysis ay isang mahalagang uri ng pagsusuri. Makikita dito kung may problema sa bato o impeksyon sa daluyan ng ihi. Malalaman din mula rito kung may problema sa pagbabalanse ng mga mahahalgang sangkap sa loob ng katawan, gaya ng pagkakaroon ng asukal (glucose), albumin (isang uri ng protein), o dugo sa ihi. Madalas ipagawa ang urinalysis o pagsusuri sa ihi sa mga sumusunod na pagkakataon:
Image Source: www.buoyhealth.com
- Hirap o madalas na pag-ihi
- Pamamanas ng katawan
- Kapag buntis
- Pananakit ng tiyan, likod, o balakang
- Kapag may dugo o nana sa ihi
- Habang sumasailalim sa gamutan (lalo na sa kanser)
- Kapag mananatili sa ospital
Paano nga ba ang tamang pagkolekta ng ihi para sa urinalysis? Una, siguraduhing malinis ang pwerta o ari. Ihanda ang malinis at may takip na lalagyan ng ihi. Kolektahin ang panggitnang ihi at huwag ang mga unang patak ng ihi upang maiwasan ang kontaminasyon. Takpang maigi ang sample at ibigay sa laboratoryo.
Maraming bagay ang maaring makita sa urinalysis. Sinusuri dito ang kulay, mga elemento, kemikal, reaksyon, at kung anu-ano pa. Kalimitan, kapag may impeksyon sa daluyan ng ihi, mataas ang tinatawag nating White Blood Cells (WBC) dahil ito ang elementong lumalaban sa mga mikrobyo. Kapag mataas ang bilang nito, ibig sabihin, may aktibong impeksyon na nilalabanan ang katawan. Makikita rin dito ang mataas na bacterial count.
Sa ilang pagkakataon, maaring kakitaan ng Red Blood Cell (RBC) ang ihi. Sa mga babaeng walang buwanang dalaw (menstruation) o sa mga lalake, hindi ito normal kung kaya’t maaring mangailangan ng karagdagang pagsusuri. Ang ilang abnormal na resulta ay ang pagkakaroon ng glucose (asukal), albumin, mataas na kristal, maulap/malabong ihi, at masyadong mataas o mababang specific gravity.
Ang urinalysis ay maaring ipagawa ng madalas kung may minomonitor sa ihi. Maari rin itong ipagawa matapos ang gamutan, halimbawa, sa impeksyon ng ihi. Sa simpleng eksaminasyon na ito, malaki ang maitutulong nito upang malaman ng doktor kung ano ang problema ng pasyente.