Vitamin C, parati na lang vitamin C. Sa tuwing tayo’y magkakasipon o magkaka-ubo, isa sa lagi nating naririnig mula kay lolo’t lola, o kaya kay nanay at tatay ay, “umiinom ka ba ng Vitamin C?”
Ano nga ba ang Vitamin C?
Ang Vitamin C, na kilala rin sa tawag na Ascorbic Acid, ay isang mahalagang sustansya na tumutulong sa pag-hilom ng mga sugat, at sa pagsisipsip ng iron sa katawan. Kilala rin ang vitamin c bilang isang antioxidant na tumutulong naman sa pagkontra sa mga free-radicals, na isa sa mga tinuturing na dahilan ng pagkakaroon ng sakit na cancer. May mga nagsasabi rin na tumutulong ito sa pagpapalakas ng resistensya o immune system ng katawan bagama’t walang matibay na ebidensya ang makapagpapatunay dito.
Gaano karaming Vitamin C ang kinakailangan ng katawan araw-araw?
Ayon sa mga nutritionists, ang dami ng Vitamin C na kinakailangan ng katawan ay nakadepende sa edad, kasarian, o sa kalagayan ng katawan ng isang tao. Halimbawa, sa mga sanggol na bagong silang hanggang anim na buwan, nangangailangan ng 40mg na Vitamin C; sa mga batang edad 1 taon hanggang 3, nangangailangan lamang ng 15mg na vitamin c. Sa mga kalalakihang may sapat na gulang, 90mg ang kailangan, samantalang sa kababaihan sa kaparehong edad, kailangan ng 75mg lamang. Iba rin ang pangangailangan ng mga buntis na umaabot sa 85mg at sa mga nagpapasuso na 120mg naman.
Ngunit kung pagbabasehan ang karaniwang pangangailangan ng katawan sa araw-araw, ang Daily Value ng Vitamin C ay 60mg lamang.
Maari bang makasama ang sobrang Vitamin C sa katawan?
Ang sobrang pag-inom ng vitamin C ay maaaring makapgdulot ng pagtatae, pagsusuka, at pananakit ng tiyan. Sinasabing ang taong nasa sapat na gulang ay maari lamang kumonsumo ng 2,000mg o dalawang gramo ng vitamin C sa isang araw.
Anong maaaring mangyari kung may kakulangan sa Vitamin C?
Ang taong kulang sa Vitamin C ay maaaring magkasakit na scurvy o eskurbuto. Ang taong may sakit na ito ay may kondisyon ng pamamaga ng mga gilagid, maliliit at mapula-pula na butlig-butlig sa balat, masakit na kasu-kasuan at hindi madaling pag-hilom ng mga sugat.
10 Pagkain na mayaman sa Vitamin C
Saan nga ba natin maaaring makita ang Vitamin C? Alam nating may mga supplement na mayaman sa Vitamin C ang maaaring mabili sa mga suking butika, ngunit bukod dito, saan pa maaaring makuha ang Vitamin C? Narito ang ilan mga gulay at prutas na mayaman sa Vitamin C.
1. Bell Pepper – Ang mga bell pepper, maaring pula o berde, ay hitik na hitk sa vitamin C. Higit sa 180 mg na Vitamin C ang makikita dito. Taglay din ng bungang ito ang beta carotene na isa ring kailangan ng katawan.
2. Bayabas – Ang bayabas, o guava sa ingles, ay isang prutas na karaniwang nakikita sa Pilipinas. Ang isang bunga ay nagtataglay ng humigit-kumulang 250 mg ng Vitamin C. Bukod dito, mayaman din sa folic acid, potassium at manganese ang bayabas. Kaya’t isa ng bayabas sa mga tinuturing na pinakamasustansyang prutas.
3. Berde at Madahong Gulay – Ang mga gulay na berde at madahon, tulad ng spinach at mustasa, ay mayaman din sa mga bitamina lalo na sa Vitamin C. Maaring makakuha ng hanggang 120 mg na Vitamin C sa isang kainan.
4. Kiwi – Ang isang prutas ay nagtataglay ng higit sa 92 mg na Vitamin c. Hindi ito natural na makikita sa pilipinas ngunit madali naman itong makita sa mga supermarket at ilang pang pamilihan.
5. Broccoli – Ang berdeng gulay na broccoli ay nagtataglay ng higit 90 mg na Vitamin C sa isang kainan. Bukod pa rito, kilala rin ang broccolli sa paglilinis ng katawan o detoxification.
6. Strawberry – Ang mga berry gaya ng strawberry ay mayaman sa Vitamin C. Mayroong halos 60 mg ng vitamin C sa isang bunga ng strawberry. Sa Pilipinas, matatagpuan sa kabundukan ng Benguet ang mga bukirin ng strawberry kaya’t madali lang din makakuha nito lalo na kung kapanahunan.
7. Citrus Fruits – Ang mga prutas gaya ng dalandan, sintores, suha at kalamansi ay kilala sa pagkakaroon ng mataas na lebel ng vitamin c. Ang mga prutas na ito ay nagtataglay ng humigit-kumulang 53 mg.
8. Kamatis – Ang kamatis ang isa sa pinakakaraniwang bunga na hinahain sa hapag-kainan. Maaring sangkap ng isang lutuin o kaya naman ay kinakain ng hilaw sa mga salad. Taglay ng isang kamatis ang humigit-kumulang 22 mg na Vitamin C.
9. Papaya – Ang papaya na isa ring karaniwang prutas na makikita sa Pilipinas ay mayaman sa Vitamin c. Mayroong higit sa 60mg na Vitamin C ang makikita rito. Bukod dito, mayaman din ang papaya sa Vitamin A.
10. Pinya – Ang isang tasa ng pinya ay maaring magtaglay ng higit sa 24 mg na vitamin C. Bilang isa sa pinakamalaking nagluluwas ng pinya sa buong mundo, madali lang makakakuha ng pinya sa mga pamilihan.