Ang sugat ay ang kondisyon kung saan napipinsala ang bahagi ng katawan at nakaaapekto sa balat at sa kalamnan na nasa ilalim nito. Ito ay maaaring magdulot ng matinding pananakit at pagdurugo depende kung saan ang lokasyon at kung gaano kalalim ang sugat. Maaari itong matamo mula sa pagkakahiwa o pagkakatusok ng matalim na bagay, pagkakagasgas sa anumang matigas na bagay, pagkaka-kagat ng isang hayop, pagkakapaso o pagkakasunog mula sa mainit na bagay o matapang na kemikal, operasyon, at iba pang mga paraan na makapipinsala sa katawan.
Kung ito’y mapapabayaan, maaari itong humantong sa mas malalalang kondisyon. Maaaring magdulot ng mas matinding pananakit, impeksyon ng mga mikrobyo, at pagkakaroon ng ibang karamdaman. Upang maiwasan ang mga ito, mahalaga na malaman ng bawat indibidwal ang wastong pag-aalaga sa sugat.
Mga Hakbang sa Wastong Pag-aalaga sa Sugat
Image Source: www.lifechanginginnovation.org
1. Pagpigil sa patuloy na pagdudugo
Ang karamihan ng mga sugat ay may kaakibat na pagdurugo, lalo na kung ito ay malaki at malalim. Bago simulan ang anumang hakbang, makabubuti na patigilin muna ang pagdurugo. Makatutulong ang paglalagay ng diin (pressure) sa sugat gamit ang isang malinis na tela. Kung hindi tumigil ang pagdurugo sa loob ng 10-20 na minuto na paglalagay ng diin, makabubuting lumapit na sa pinakamalapit na pagamutan.
2. Pag-linis sa sugat
Sa oras na tumigil na ang pagdurugo ng sugat, ang sunod na gawin ay ang paglilinis dito upang maiwasan ang impeksyon. Simulan sa paghuhugas sa gamit ang sabon at umaagos na tubig; kung ang sugat na natamo dahil sa pagkakasunog, mainam na hugasan ito gamit ang malamig na tubig. Tanggalin ang anumang bagay na dumikit sa sugat gaya ng buhangin, lupa at iba pang mga maliliit na bagay. Maaring gumamit ng malinis na tiyani (tweezers) o punasan ng malinis na tela sa pagtanggal ng mga dumi sa paligid ng sugat. Ang pagpapahid ng mga antiseptics sa sugat gaya ng alcohol, betadine, o kaya’y agua oxigenada ay makatutulong din na malinis ang sugat.
3. Pag-lagay ng nararapat na gamot
Mainam na inuman ng gamot ang pagkakatamo ng sugat upang maiwasan ang impeksyon. Tandaan na ang pagkakaroon ng sugat ay isang oportunidad para sa mga mikrobyo na makapasok sa loob ng katawan. Para sa karaniwang sugat, maaaring uminom ng antibiotic gaya ng amoxicillin mayroon ding gamot na ointement na pinapahid sa mismong gamot; para naman sa sugat na natamo mula sa pagkakatusok ng isang maduming bagay, mainam na magpaturok ng anti-tetanus na gamot upang maiwasan ang impeksyong tetano; para sa sugat mula sa pagkakagat ng hayop, magpaturok din ng anti-rabies upang maiwasan ang impeksyon ng rabies virus. Ang sobrang pananakit naman ng sugat ay maaaring maibsan sa pag-inom ng ibuprofen o aspirin.
4. Iwasan ang paglalagay ng ibang substansya sa sugat
May ilang tao na naniniwalang gagaling ang sugat sa paglalagay ng ilang substansya at sangkap na makikita sa kusina gaya ng paglalagay ng toothpaste sa sugat na natamo mula sa pagkakapaso. Ang iba naman ay binubuksan ang kapsula at inilalagay ang mismong gamot sa sugat. Ang mga ito ay iwasan sapagkat wala itong maidudulot na maganda.
5. Pagsasara o pagtapal sa bukas na sugat
Matapos malinis at malagyan ng gamot, makabubuting tapalan ito ng malinis na gasa o benda upang matakpan ang sugat at maiwasan ang impeksyon. Ang ibang sugat naman ay maaaring mangailangan na tahiin upang masara. Kumonsulta sa doktor kung kakailanganing tahiin ang natamong malaking sugat.
6. Patuloy na paggagamot, paglilinis, at pagtapal sa sugat
Ang mga naunang hakbang ay ulitin at ipagpatuloy hanggat hindi gumagaling ang sugat upang maiwasan ang impeksyon. Araw-araw itong linisin, lagyan o inuman ng gamot na antibiotic, at tapalan ng bago at malinis na gasa. Kung tinahi, ipatanggal sa doktor ang sinulid na ginamit kung nagsara na ang sugat. Kung papabayaan, maaaring magkaroon ng pagnanana o magkaroon ng lagnat.